Related Reading
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Mga Problema sa Pagtulog sa Mga Bata: Mga Tagubilin sa Pangangalaga

Sleep Problems in Children: Care Instructions

Mga Tagubilin sa Iyong Pangangalaga

Maraming magulang ang nag-aalala tungkol sa pagtulog ng kanilang anak. Walang "tamang" tagal ng pagtulog para sa mga bata, dahil magkakaiba ang mga pangangailangan ng bawat bata. Ngunit ang ilang bata ay may problema sa pagtulog na dahilan kung bakit hindi nila nakukumpleto ang tulog na kailangan nila, at pati na rin ang kanilang mga pamilya. Ang ilang problema sa pagtulog ay nawawala nang kusa, at ang iba naman ay nangangailangan ng medikal na pangangalaga.

Naaapektuhan ng problema sa pagtulog ang mga bata sa iba't ibang paraan. Kapag hindi maganda ang panaginip ng isang bata, kadalasan, alam ito ng lahat sa bahay. Sumisigaw ang bata sa kanyang pagtulog, at kapag nagising na siya, hindi naaalala ng bata ang pag-iyak o kung ano ang dahilan nito. May ilang batang tumatayo sa higaan at nagsisimulang maglakad, kahit pa mahimbing ang tulog nila. May ilang batang naiihi sa kama habang natutulog. May ilang batang regular na humihinto sa paghinga habang natutulog sa loob ng 10 segundo o mas matagal pa (sleep apnea).

Makikipagtulungan sa iyo ang iyong doktor upang malaman kung ano ang sanhi ng problema sa pagtulog ng iyong anak. Kung minsan, kailangan ng mga pagsusuri o pag-aaral sa pagtulog. Sa maraming bata, ang pagkakaroon ng regular na ehersisyo, pagkain nang masustansya at pagkakaroon ng magandang gawi sa pagtulog ay nagpapahupa sa mga problema sa pagtulog. Kung susubukan mo ang mga pagbabagong ito at nagkakaroon pa rin ng problema ang iyong anak, maaaring magreseta ang doktor ng gamot o magmungkahi ng iba pang paggamot.

Ang follow-up na pangangalaga ay isang napakahalagang bahagi ng paggamot at kaligtasan ng iyong anak. Siguraduhin na makakapagpaiskedyul ka ng pagpapatingin, mapupuntahan mo ang lahat ng ito, at matatawagan mo ang iyong doktor kung nagkakaproblema ang iyong anak. Mabuti ring alamin ang mga resulta ng mga pagsusuri ng iyong anak at magtabi ng listahan ng mga gamot na iniinom ng iyong anak.

Paano mo mapangagalagaan ang iyong anak sa bahay?

  • Magtakda ng gawi sa pagtulog upang matulungan ang iyong anak na maging handa sa paghiga at pagtulog. Halimbawa, magbasa nang magkasama, maglambingan at makinig sa mahinang musika sa loob ng 15 hanggang 30 minuto bago patayin ang mga ilaw. Gawin ang mga bagay sa parehong pagkakasunud-sunod bawat gabi nang sa gayon ay alam ng iyong anak kung ano ang aasahan niya.

    • Patulugin ang iyong anak sa parehong oras bawat gabi, at gumising sa parehong oras bawat umaga.

    • Panatilihing tahimik, madilim at malamig ang kuwartong tinutulugan ng iyong anak.

    • Limitahan ang mga aktibidad na nagpapasigla sa iyong anak, gaya ng paglalaro at panonood ng telebisyon, sa mga oras na malapit na ang oras ng pagtulog.

    • Limitahan ang pagkain at pag-inom bago matulog.

  • Kung magigising at tatawagin ka ng iyong anak sa disoras ng gabi, siguraduhin na pareho ang iyong itutugon sa bawat pagkakataon. Patahanin siya sandali, ngunit pagkatapos ay umalis sa silid.

  • Tumulong sa pag-iwas sa masasamang panaginip sa pamamagitan ng pagkontrol sa pinapanood ng iyong anak sa telebisyon.

  • Painumin ng mga gamot ang iyong anak ayon mismo sa inireseta. Tawagan ang iyong doktor kung ang iyong anak ay may anumang mga problema sa kanyang gamot. Makakakuha ka ng higit pang detalye tungkol sa mga partikular na gamot na inireseta ng iyong doktor.

  • Huwag subukang gisingin ang iyong anak kapag nananaginip siya nang masama. Sa halip, alalayan at hawakan siya upang maiwasan ang pinsala.

  • Kung ang iyong anak ay naglalakad habang natutulog, panatilihing nakakandado ang mga bintana at pinto sa oras ng pagtulog.

  • Kung sobra sa timbang ng iyong anak, magtakda ng mga layunin para sa pamamahala sa timbang ng iyong anak. Ang pagiging sobra sa timbang ay maaaring magdulot ng mga problema sa pagtulog o magpalala nito.

Kailan ka dapat humingi ng tulong?

Bantayan nang mabuti kung magkakaroon ng mga pagbabago sa kalusugan ng iyong anak, at siguraduhing tawagan ang iyong doktor kung:

  • Patuloy na nagkakaroon ng problema sa pagtulog ang iyong anak.

Pangkasalukuyan mula noong: Oktubre 24, 2023

Bersyon ng Nilalaman: 14.0

Ang mga tagubilin sa pangangalaga ay iniangkop sa ilalim ng lisensya ng iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Kung mayroon kang mga tanong tungkol sa isang medikal na kundisyon o sa tagubiling ito, palaging magtanong sa iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Itinatanggi ng Healthwise, Incorporated ang anumang warranty o sagutin para sa iyong paggamit ng impormasyong ito.

© 2006-2026 Healthwise, Incorporated.
Powered by Krames by WebMD Ignite
Disclaimer