Health Encyclopedia
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Kalusugan sa Diabetic Foot: Mga Tagubilin sa Pangangalaga

Diabetes Foot Health: Care Instructions

Mga Tagubilin sa Iyong Pangangalaga

../images/4a2c62c58008ed21d34343f3f67149f1.jpg

Kapag may diabetes ka, kailangan ng iyong paa ng karagdagang pangangalaga at pansin. Maaaring masira ng diabetes ang mga dulo ng nerve at blood vessel sa iyong paa. Kapag nangyari ito, mas hindi mo mapapansing may pinsala ang iyong mga paa. Nililimitahan din ng diabetes ang kakayahan ng iyong katawan na lumaban sa impeksyon at padaluyin ang dugo sa mga bahagi kung saan ito kailangan. Kung magkakaroon ka ng hindi malalang pinsala sa paa, maaari itong maging ulcer o isang matinding impeksyon. Sa mabuting pangangalaga sa paa, maiiwasan mo ang karamihan sa mga problemang ito.

Madali at simple lang ang pangangalaga sa iyong mga paa. Karamihan ng pangangalaga ay maaaring gawin kapag naliligo o naghahanda ka sa pagtulog.

Ang follow-up na pangangalaga ay isang mahalagang bahagi ng iyong paggamot at kaligtasan. Siguraduhing ipaskedyul at puntahan ang lahat ng appointment, at tawagan ang iyong doktor kung nagkakaproblema ka. Mainam ding alamin ang mga resulta ng iyong mga pagsusuri at magtabi ng listahan ng mga iniinom mong gamot.

Paano mo mapangangalagaan ang iyong sarili sa bahay?

  • Panatilihing malapit sa normal ang iyong blood sugar sa pamamagitan ng pagbabantay sa kinakain mo at paraan ng pagkain sa mga ito, pagsubaybay sa iyong blood sugar, pag-inom ng mga gamot kung may inireseta sa iyo, at regular na pag-eehersisyo.

  • Huwag manigarilyo. Naaapektuhan ng paninigarilyo ang pagdaloy ng dugo at maaari nitong mapalubha ang mga problema sa paa. Kung kailangan mo ng tulong sa pagtigil, makipag-usap sa iyong doktor tungkol sa mga programa at gamot para sa pagtigil sa paninigarilyo. Mapapalaki nito ang tsansa na tuluyan mong maititigil ang iyong paninigarilyo.

  • Kumain ng pagkaing mababa sa mga fat. Ang pagkakaroon ng mataas na fat sa katawan ay nagdudulot ng pamumuo sa iyong mga blood vessel at nagpapahina ng pagdaloy ng dugo.

  • Suriin araw-araw ang iyong mga paa kung may mga paltos, hiwa, biyak, at sugat. Kung hindi mo ito makita nang maayos, gumamit ng salamin o magpatulong sa iba.

  • Alagaan ang iyong mga paa:

    • Hugasan ang iyong mga paa araw-araw. Gumamit ng maligamgam (hindi mainit) na tubig. Alamin ang temperatura ng tubig gamit ang iyong mga pulsuhan o iba pang bahagi ng iyong katawan, at hindi ng iyong paa.

    • Patuyuin nang maigi ang iyong paa. Punasan ang mga ito hanggang sa matuyo. Huwag masyadong kuskusin nang madiin ang iyong balat sa paa. Patuyuin ang pagitan ng iyong mga daliri sa paa. Kung mananatiling mamasa-masa ang iyong paa, maaaring magkaroon dito ng bacteria o fungus, na maaaring humantong sa impeksyon.

    • Panatilihing malambot ang iyong balat. Gumamit ng moisturizing skin cream upang mapanatiling malambot ang balat ng iyong mga paa at maiwasan ang mga kalyo at bitak. Ngunit huwag maglagay ng cream sa pagitan ng iyong mga daliri sa paa, at ihinto ang paggamit ng anumang cream na nagdudulot ng pantal.

    • Dahan-dahang linisan ang ilalim ng iyong mga daliri sa paa. Huwag gumamit ng matulis na bagay sa paglilinis ng ilalim ng iyong mga kuko ng daliri sa paa. Gamitin ang mapurol na dulo ng nail file o iba pang pabilog na gamit.

    • Gupitin at gamitan ng nail file ang mga kuko sa daliri ng iyong paa nang padiretso upang maiwasan ang mga ingrown na kuko. Gumamit ng nail cutter, huwag gumamit ng gunting. Gumamit ng emery board upang mapakinis ang mga sulok.

  • Magpalit ng medyas araw-araw. Pinakamainam ang mga medyas na walang mga tahi, dahil kadalasang nakukuskos ng mga tahi ang mga paa. Makakakita ka ng mga medyas para sa mga taong may diabetes mula sa mga specialty catalog.

  • Tingnan ang loob ng iyong sapatos araw-araw upang makita kung may mga bato o sirang lining, na maaaring magdulot ng mga paltos o sugat.

  • Bumili ng mga sapatos na kasyang-kasya sa iyo:

    • Humanap ng sapatos na malawak ang espasyo para sa mga daliri sa paa. Makakatulong itong maiwasan ang mga pamamaga at pagpapaltos.

    • Magsukat ng sapatos habang suot ang uri ng mga medyas na karaniwan mong gagamitin kasabay ng mga sapatos na iyon.

    • Iwasan ang mga plastic na sapatos. Maaaring makuskos ng mga ito ang iyong mga paa at maaari itong magdulot ng mga paltos. Ang magagandang sapatos ay dapat gawa sa mga materyales na flexible at hindi kulob, gaya ng balat (leather) o tela.

    • Dahan-dahanin ang pagsasanay sa mga bagong sapatos sa pamamagitan ng pagsusuot sa mga ito nang hindi lalampas sa isang oras sa loob ng ilang araw. Maglaan ng karagdagang oras upang suriin kung ang iyong mga paa ay namumula, may paltos, o may iba pang mga problema pagkatapos mong magsuot ng mga bagong sapatos.

  • Huwag magyapak. Huwag magsuot ng sandalyas, at huwag magsuot ng mga sapatos na masyadong manipis ang suwelas. Madaling mabutas ang mga sapatos na may manipis na suwelas. Hindi rin napoprotektahan ng mga ito ang iyong mga paa sa mainit na simento o malamig na panahon.

  • Patingnan sa iyong doktor ang iyong mga paa sa bawat pagpapatingin. Kung mayroon kang problema sa paa, magpatingin sa doktor. Huwag subukang gamutin sa bahay ang nagsisimula pa lang na problema sa paa. Maaaring maging mapanganib ang mga remedyo o paggamot sa bahay na mabibili mo nang walang reseta (gaya ng mga corn remover).

  • Palaging maghanap ng maagang paggamot para sa mga problema sa paa. Ang isang maliit na iritasyon ay maaaring humantong sa isang malaking problema kung hindi maagapan sa pamamagitan ng wastong pangangalaga.

Kailan ka dapat humingi ng tulong?

Tumawag sa iyong doktor ngayon o humingi ng agarang medikal na pangangalaga kung:

  • Kung may sugat ka sa paa, isang ulcer o bitak sa balat na hindi gumagaling pagkalipas ng 4 na araw, nagdurugong mga nangangapal na balat o kalyo, o isang ingrown na kuko sa daliri ng paa.

  • Mayroon kang mga nag-aasul o nangingitim na mga bahagi, na nangangahulugan na may pamamasa o mga problema sa pagdaloy ng dugo.

  • Nagbabalat ang iyong paa o mayroon kang maliliit na paltos sa pagitan ng iyong mga daliri sa paa o pagbibitak o pagtutubig ng balat.

  • May lagnat ka sa loob ng mahigit 24 na oras at may sugat ka sa paa.

  • Nakakaramdam ka ng bagong pamamanhid o namimitig sa iyong paa na hindi nawawala pagkatapos mong igalaw ang iyong paa o pagkatapos mong magbago ng posisyon.

  • Mayroon kang hindi maipaliwanag o hindi karaniwang pamamaga ng paa o bukong-bukong.

Bantayan nang mabuti kung magkakaroon ng mga pagbabago sa iyong kalusugan, at siguraduhing tatawag ka sa iyong doktor kung:

  • Hindi mo maalagaan nang maayos ang iyong paa.

Pangkasalukuyan mula noong: Oktubre 2, 2023

Bersyon ng Nilalaman: 14.0

Ang mga tagubilin sa pangangalaga ay iniangkop sa ilalim ng lisensya ng iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Kung mayroon kang mga tanong tungkol sa isang medikal na kundisyon o sa tagubiling ito, palaging magtanong sa iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Itinatanggi ng Healthwise, Incorporated ang anumang warranty o sagutin para sa iyong paggamit ng impormasyong ito.

© 2006-2025 Healthwise, Incorporated.
Powered by Krames by WebMD Ignite
Disclaimer