Health Encyclopedia
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Pagtatae sa Mga Bata: Mga Tagubilin sa Pangangalaga

Diarrhea in Children: Care Instructions

Mga Tagubilin sa Iyong Pangangalaga

../images/09f7b126e86afc6352ec0f2922084125.jpg

Ang pagtatae ay malambot, mamasa-masang dumi (pagdumi). Nagtatae ang iyong anak kapag itinutulak ng mga bituka ang mga dumi bago masipsip ng katawan ang tubig sa mga dumi. Nagiging dahilan ito para mas madalas na dumumi ang iyong anak.

Halos lahat ng tao ay nagtatae paminsan-minsan. Kadalasa'y hindi ito malala. Ang pagtatae ay madalas na paraan ng katawan upang ilabas ang mga bakterya o lason na nagdudulot ng pagtatae. Ngunit kung nagtatae ang iyong anak, bantayan siyang mabuti. Maaaring mabilis na ma-dehydrate ang mga bata kung mawalan sila ng masyadong maraming likido sa pagtatae. Minsan hindi sila makainom ng sapat na likido para palitan ang mga nawalang likido.

Nasuri na nang mabuti ng doktor ang iyong anak, ngunit maaaring magkaroon ng mga problema pagkatapos nito. Kung may mapansin kang anumang mga problema o bagong sintomas, magpagamot kaagad.

Ang follow-up na pangangalaga ay isang napakahalagang bahagi ng pagpapagamot at kaligtasan ng iyong anak. Siguraduhin na makakapagpaiskedyul ka ng pagpapatingin, mapupuntahan mo ang lahat ng ito, at matatawagan mo ang iyong doktor kung nagkakaproblema ang iyong anak. Mabuti ding alamin ang mga resulta ng mga pagsusuri ng iyong anak at magtabi ng listahan ng mga gamot na iniinom ng iyong anak.

Paano mo maaalagaan ang iyong anak sa bahay?

  • Bantayan at gamutin ang mga senyales ng dehydration, na nangangahulugan na masyadong maraming tubig ang nawala sa katawan. Habang nawawalan ng tubig ang iyong anak, tumitindi ang pagkauhaw, at maaaring masyadong tuyo ang pakiramdam ng kanyang bibig o mga mata. Maaaring manghina at palaging magpakarga ang iyong anak. Maaaring hindi siya umihi nang kasingdalas ng karaniwan.

  • Alukin ang iyong anak ng kanyang mga karaniwang kinakain. Malamang na makakayang kainin ng iyong anak ang mga pagkaing ito sa loob ng isa o dalawang araw matapos magkasakit.

  • Kung ma-dehydrate ang iyong anak bigyan siya ng oral rehydration solution, tulad ng Pedialyte o Infalyte, upang palitan ang mga nawalang likido dahil sa pagtatae. Ang mga inuming ito ay naglalaman ng pinaghalong asin, asukal, at mga mineral para tumulong na iwasto ang pagkawala ng tubig sa katawan. Mabibili mo ang mga ito sa mga botika o tindahan ng groseri sa mga seksyon ng paninda para sa pangangalaga ng bata. Ibigay ang mga inuming ito sa iyong anak hangga't siya'y nagtatae. Huwag gamitin ang mga inuming ito bilang tanging pinagmumulan ng likido o pagkain sa loob ng mahigit sa 12 hanggang 24 na oras.

  • Huwag bibigyan ang iyong anak ng mga gamot sa pagtatae na nabibili nang walang reseta o mga gamot sa pananakit ng tiyan nang hindi muna kinakausap ang inyong doktor. Huwag magbibigay ng bismuth (Pepto-Bismol) o mga iba pang gamot na naglalaman ng mga salicylate, isang uri ng aspirin, o aspirin. Naiugnay ito sa Reye syndrome, na isang malubhang sakit.

  • Hugasang mabuti ang iyong mga kamay matapos mong magpalit ng mga lampin at bago ka maghawak ng pagkain. Turuan ang iyong anak na maghugas ng kanyang kamay pagkatapos gumamit ng palikuran at bago kumain.

  • Siguraduhin na nakapagpapahinga ang iyong anak. Panatilihin ang iyong anak sa bahay kung may lagnat siya.

  • Kung ang iyong anak ay mas bata sa edad na 2 o mas mababa sa 24 na libra ang timbang, sundin ang payo ng doktor tungkol sa dami ng gamot na ibibigay sa iyong anak.

Kailan ka dapat humingi ng tulong?

Tumawag sa 911 anumang oras na sa palagay mo ay maaaring kailanganin ng iyong anak ng emerhensiyang pangangalaga. Halimbawa, tumawag kung:

  • Hinimatay ang iyong anak (nawalan siya ng malay).

  • Nalilito ang iyong anak, hindi niya alam kung nasaan siya, o sobra siyang antukin o mahirap gisingin.

  • Dumudumi ang iyong anak ng kulay kastanyas o madugong dumi.

Tumawag na ngayon sa iyong doktor o humingi ng agarang medikal na pangangalaga kung:

  • May mga senyales ng kakulangan sa likido ang iyong anak. Kasama sa mga senyales na ito ang lubog na mga mata na may kaunting luha, o tuyot na bibig na may kaunti o walang laway, at pag-ihi nang kaunti o hindi pag-ihi sa loob ng 8 oras.

  • Nakakaranas na naman o lumala ang problema sa paghinga ng iyong anak.

  • Ang dumi ng anak mo ay itim at mukhang alkitran, o may bahid ng dugo.

  • Mayroong bago o mas mataas na lagnat ang iyong anak.

  • Malubha ang pagtatae ng iyong anak. (Ibig sabihin nito, malalaki, malambot na dumi tuwing 1 hanggang 2 oras.)

Magbantay nang mabuti para sa mga pagbabago sa kalusugan ng iyong anak, at siguraduhing makipag-ugnayan sa iyong doktor kung:

  • Lumalala ang pagtatae ng iyong anak.

  • Hindi bumubuti ang pakiramdam ng iyong anak pagkalipas ng 2 araw (48 oras).

  • May mga tanong ka o nag-aalala ka tungkol sa karamdaman ng iyong anak.

Pangkasalukuyan mula noong: Oktubre 19, 2023

Bersyon ng Nilalaman: 14.0

Ang mga tagubilin sa pangangalaga ay iniangkop sa ilalim ng lisensya ng iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Kung mayroon kang mga tanong tungkol sa isang medikal na kundisyon o sa tagubiling ito, palaging magtanong sa iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Itinatanggi ng Healthwise, Incorporated ang anumang warranty o sagutin para sa iyong paggamit ng impormasyong ito.

© 2006-2026 Healthwise, Incorporated.
Powered by Krames by WebMD Ignite
Disclaimer