Health Encyclopedia
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Shingles: Mga Tagubilin sa Pangangalaga

Shingles: Care Instructions

Mga Tagubilin sa Iyong Pangangalaga

../images/cce93304bcbdc6c0571a51c277b1a95e.jpg

Ang shingles (herpes zoster) ay nagdudulot ng pananakit at nagsusugat na butlig. Maaaring lumabas ang butlig kahit saan sa katawan ngunit mananatili itong nasa iisang bahagi lang ng katawan, sa kaliwa o kanan. Maaari itong lumabas nang paikot, pahaba o sa maliit na bahagi. Maaaring maging napakatindi ng pananakit nito. Maaari ding magdulot ng pamimintig o pangangati sa bahaging may butlig ang shingles. Ang mga sugat ay magbabalat pagkalipas ng ilang araw at gagaling sa loob ng 2 o 4 na linggo. Maaaring makatulong ang mga gamot sa pagpapaginhawa ng iyong pakiramdam at pag-iwas sa mas matitinding problema na dulot ng shingles.

Ang shingles ay dulot ng mismong virus na nagdudulot ng bulutong. Kapag mayroon kang bulutong, pumapasok ang virus sa iyong mga nerve root at mananatili ito roon (nagiging dormant) sa loob ng matagal na panahon pagkatapos mong magkabulutong. Kung magiging aktibo ulit ang virus, maaari itong magdulot ng shingles.

Ang follow-up na pangangalaga ay isang mahalagang bahagi ng iyong paggamot at kaligtasan. Siguraduhing ipaskedyul at puntahan ang lahat ng appointment, at tawagan ang iyong doktor kung nagkakaproblema ka. Mainam ding alamin ang mga resulta ng iyong mga pagsusuri at magtabi ng listahan ng mga iniinom mong gamot.

Paano mo mapangangalagaan ang iyong sarili sa bahay?

  • Maging ligtas sa paggamit ng mga gamot. Gamitin ang iyong mga gamot ayon mismo sa inireseta. Tawagan ang iyong doktor kung sa palagay mo ay nagkakaproblema ka sa iyong gamot. Nakakatulong ang antiviral na gamot sa iyong mas mabilis na paggaling.

  • Subukang huwag kamutin o kutkutin ang mga sugat. Matutuyo ang mga ito at magbabalat nang kusa kung hahayaan mo lang ang mga ito.

  • Lagyan ng malamig at basang mga tela ang bahaging apektado upang maibsan ang pananakit at pangangati. Maaari ka ring gumamit ng calamine lotion. Subukang huwag gumamit ng masyadong maraming lotion na maaaring mamuo at maging mahirap tanggalin.

  • Lagyan ng cornstarch o baking soda ang mga sugat upang makatulong sa panunuyo ng mga ito nang sa gayon ay bumilis ang paggaling ng mga ito.

  • Huwag gumamit ng malalapot na ointment, gaya ng petroleum jelly, sa mga sugat. Pipigilan nito ang pagtuyo at paggaling ng shingles.

  • Upang makatulong sa pag-aalis ng mga tuyong bahagi na matatanggal na, ibabad ang mga ito sa tubig sa gripo. Makakatulong ito sa pagbabawas ng pagtagas ng fluid, at sa pagtuyo at paggaling ng balat.

  • Uminom ng gamot sa pananakit na mabibili nang walang reseta, gaya ng acetaminophen (Tylenol), ibuprofen (Advil, Motrin) o naproxen (Aleve). Basahin at sundin ang lahat ng tagubilin na nasa label.

  • Iwasan ang paglapit sa mga tao hanggang sa gumaling ang mga sugat. Napakahalagang umiwas ka sa kahit sinong hindi pa nagkakaroon ng bulutong o hindi pa nagpapabakuna laban sa bulutong. Ang mga buntis, sanggol at kahit sinong nahihirapan sa paglaban sa impeksyon (gaya ng taong may HIV, diabetes o cancer) ay may mas malaking posibilidad na mahawa.

Kailan ka dapat humingi ng tulong?

Tumawag sa iyong doktor ngayon o humingi ng agarang medikal na pangangalaga kung:

  • Nilalagnat ka na naman o tumaas ang iyong lagnat.

  • Sobrang sakit ng iyong ulo at mayroon kang stiff neck.

  • Hindi mo na magawang mag-isip nang malinaw.

  • Kumalat ang butlig sa iyong noo, ilong, mga mata at mga talukap ng mata.

  • Masakit ang iyong mata, o mas lumalabo ang iyong paningin.

  • Nakakaranas ka ng bagong pananakit sa iyong mukha o hindi mo maigalaw ang mga kalamnan sa iyong mukha.

  • Kumakalat ang mga sugat sa ibang bahagi ng iyong katawan.

Bantayan nang mabuti kung magkakaroon ng mga pagbabago sa iyong kalusugan, at siguraduhing tatawag ka sa iyong doktor kung:

  • Hindi gumagaling ang butlig pagkalipas ng 2 hanggang 4 na linggo.

  • Nakakaranas ka pa rin ng pananakit kahit magaling na ang butlig.

Pangkasalukuyan mula noong: Hunyo 12, 2023

Bersyon ng Nilalaman: 14.0

Ang mga tagubilin sa pangangalaga ay iniangkop sa ilalim ng lisensya ng iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Kung mayroon kang mga tanong tungkol sa isang medikal na kundisyon o sa tagubiling ito, palaging magtanong sa iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Itinatanggi ng Healthwise, Incorporated ang anumang warranty o sagutin para sa iyong paggamit ng impormasyong ito.

© 2006-2025 Healthwise, Incorporated.
Powered by Krames by WebMD Ignite
Disclaimer