Alamin ang Tungkol sa Colonoscopy
Learning About Colonoscopy
Ano ang colonoscopy?
Ang colonoscopy ay isang pagsusuri (tinatawag ding pamamaraan) na nagpapahintulot sa isang doktor na
tingnan ang loob ng iyong malaking bituka. Gumagamit ang doktor ng manipis at may ilaw na tubo na
tinatawag na colonoscope. Ginagamit ito ng doktor upang maghanap ng mga maliliit na tumutubong
tinatawag na polyps, kanser ng colon o tumbong (colorectal cancer), o mga iba pang problema tulad ng
pagdurugo.
Habang isinasagawa ang pamamaraan, maaaring kumuha ang doktor ng mga sampol ng himaymay. Pagkatapos
ay maaari nang suriin ang mga sampol para sa kanser o mga iba pang kondisyon. Maaari ding tanggalin
ng doktor ang mga polyp.
Paano isinasagawa ang colonoscopy?
Ang pamamaraang ito ay isinasagawa sa opisina ng doktor o sa isang klinika o ospital. Makakatanggap
ka ng gamot upang tulungan kang kumalma at hindi makaramdam ng pananakit. Ilang tao ang hindi
nakakaalala na sumailalim sila sa pagsusuri dahil sa gamot.
Marahang igagalaw ng doktor ang colonoscope, o scope, sa kabuuan ng colon. Ang scope ay isa ring
maliit na video camera. Pinahihintulutan nito ang doktor na makita ang colon at kumuha ng mga
litrato.
Ang colonoscopy ay karaniwang nagtatagal nang 30 hanggang 45 minuto. Maaaring mas magtagal kung
kailangang tanggalin ng doktor ang mga polyp.
Paano ka maghahanda para sa pamamaraan?
Kailangan mong linisin ang iyong colon bago ang pamamaraan upang makita ng doktor ang iyong buong
colon. Maaari mong simulan ang proseso ng paglilinis sa isa o dalawang araw bago ang pagsusuri.
Depende ito sa kung aling "paghahanda ng colon" ang irerekomenda ng iyong doktor.
Upang linisin ang iyong colon, ihinto ang pagkain mo ng mga solidong pagkain at uminom lamang ng mga
malilinaw na inumin. Maaari kang uminom ng tubig, tsaa, kape, mga malinaw na katas ng prutas, mga
sabaw, mga flavored ice pop, at gelatin (tulad ng Jell-O). Huwag iinom ng anumang kulay pula o lila,
tulad ng katas ng ubas o fruit punch. At huwag kakain ng mga kulay pula o lila na pagkain, tulad ng
mga grape ice pops o cherry gelatin.
Sa araw o gabi bago ang pamamaraan, iinom ka ng maraming espesyal na likido. Nagdudulot ito ng
malambot na dumi at madalas na pagdumi. Madalas kang pupunta sa banyo. Napakahalagang inumin ang
lahat ng likido para sa paghahanda ng colon. Kung mayroon kang mga problema sa pag-inom ng likido,
tawagan ang iyong doktor.
Para sa maraming tao, mas malala ang paghahanda kaysa sa pagsusuri. Maaaring hindi ito komportable,
at maaaring makaramdam ka ng pagkagutom sa diyeta ng malinaw na likido. May ilang tao na hindi
pumapasok sa trabaho o hindi ginagawa ang kanilang mga karaniwang gawain sa araw ng paghahanda.
Makipag-usap sa isang tao na sasama sa iyo at mag-uuwi sa iyo matapos ang pagsusuri.
Ano ang maaasahan mo pagkatapos maisagawa ang colonoscopy?
Babantayan ka ng mga nars nang 1 hanggang 2 oras hanggang mawalan ng epekto ang mga gamot. Pagkatapos
ay puwede ka nang umuwi. Kakailanganin mo ng masasakyan. Sasabihin sa iyo ng iyong doktor kung
kailan ka maaaring kumain at kailan mo maaaring gawin ang iyong mga karaniwang gawain.
Kakausapin ka ng iyong doktor tungkol sa kung kailan mo kailangan ang iyong susunod na colonoscopy.
Ang mga resulta ng iyong pagsusuri at ang iyong panganib sa kanser sa colon at tumbong ay
makakatulong sa iyong doktor na magdesisyon kung gaano kadalas mo kailangang magpasuri.
Ang follow-up na pangangalaga ay isang mahalagang bahagi ng iyong paggamot at kaligtasan.
Siguraduhin na makakapagpaiskedyul ka ng pagpapatingin, mapupuntahan mo ang lahat ng ito, at
matatawagan mo ang iyong doktor kung nagkakaproblema ka. Mabuti ding alamin ang mga resulta ng iyong
mga pagsusuri at magtabi ng listahan ng mga iniinom mong gamot.
Pangkasalukuyan mula noong: Oktubre 25, 2023
Bersyon ng Nilalaman: 14.0
Ang mga tagubilin sa pangangalaga ay iniangkop sa ilalim ng lisensya ng
iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Kung mayroon kang mga tanong tungkol sa isang
medikal na kundisyon o sa tagubiling ito, palaging magtanong sa iyong propesyonal ng pangangalagang
pangkalusugan. Itinatanggi ng Healthwise, Incorporated ang anumang warranty o sagutin para sa iyong
paggamit ng impormasyong ito.