Health Encyclopedia
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Influenza (Trangkaso): Mga Tagubilin sa Pangangalaga

Influenza (Flu): Care Instructions

Mga Tagubilin para sa Iyong Pangangalaga

Ang influenza (trangkaso) ay isang impeksiyon sa mga baga at mga daluyan sa paghinga. Ito ay dulot ng influenza virus. May iba't-ibang strain, o uri, ng flu virus sa taon-taon. Hindi tulad ng karaniwang lagnat, ang trangkaso ay biglaang dumarating at ang mga sintomas, tulad ng pag-ubo, pagbabara ng ilong, lagnat, pangingilig, pagod, mga pananakit, ay mas malubha. Ang mga sintomas na ito ay tumatagal nang hanggang 10 araw. Bagama't napakahina ng pakiramdam mo dahil sa trangkaso, kadalasan ay hindi ito nagdudulot ng nakamamatay na problemang pangkalusugan.

Paggagamot lang sa bahay ang kadalasang kailangan para sa mga sintomas ng trangkaso. Ngunit maaaring magreseta ang iyong doktor ng gamot na antiviral para mapigilan na mauwi sa iba pang problemang pangkalusugan, tulad ng pulmunya. Ang mga taong nakatatanda at mga taong may pangmatagalang karamdamang pangkalusugan, tulad ng sakit sa baga, ay nasa higit na panganib na magkaroon ng pulmunya o iba pang problemang pangkalusugan.

Ang follow-up na pangangalaga ay mahalagang bahagi ng iyong paggagamot at kaligtasan. Tiyakin na dumating sa lahat ng appointment, at tawagan ang iyong doktor kung nagkakaproblema ka. Magandang ideya rin na alamin ang mga resulta ng mga pagsusuri sa iyo at magtabi ng lista ng mga gamot na iyong iniinom.

Paano mong maaalagaan ang iyong sarili sa tahanan?

  • Magpahinga nang husto.

  • Uminom ng maraming likido, sapatan para ang ihi mo ay malabnaw na dilaw o malinaw tulad ng tubig. Kung ikaw ay may sakit sa bato, puso, o atay at kinakailangang limitahan ang pag-inom ng likido, makipag-usap sa iyong doktor bago mo dagdagan ang dami ng likidong iniinom mo.

  • Uminom ng gamot sa pananakit na nabibili nang walang reseta (over-the-counter), tulad ng acetaminophen (Tylenol), ibuprofen (Advil, Motrin), o naproxen (Aleve) para mabawasan ang lagnat, pananakit ng ulo, at pananakit ng muscle. Basahin at sundin lahat ng tagubilin sa etiketa. Walang taong mas bata pa sa 20 anyos ang dapat uminom ng aspirin. Ito'y nauugnay sa Reye syndrome, isang nakamamatay na sakit.

  • Huwag manigarilyo. Ang paninigarilyo ay maaaring magpalala ng trangkaso. Kung kailangan mo ng tulong para makahinto, makipag-usap sa iyong doktor tungkol sa mga programa at gamot sa paghihinto ng paninigarilyo. Makadaragdag ang mga ito sa pag-asang ganap kang makahinto.

  • Huminga ng mamasa-masang hangin mula sa mainit na shower o mula sa lababong pinuno ng mainit na tubig para makatulong sa baradong ilong.

  • Bago mo gamitin ang mga gamot para sa ubo o lagnat, suriin muna ang etiketa. Maaaring hindi ligtas ang mga gamot na ito para sa maliliit na bata o sa mga taong may partikular na problema sa kalusugan.

  • Kung manakit ang balat sa iyong ilong at mga labi, lagyan ng kaunting petroleum jelly ang bahaging iyon.

  • Para malunasan ang pag-ubo:

    • Uminom ng mga likido para makalma ang makating lalamunan.

    • Sumipsip ng mga cough drops o simpleng matigas na kendi.

    • Uminom ng gamot sa ubo na nabibili nang walang reseta (over-the-counter) na nagtataglay ng dextromethorphan para makatulong sa iyong pagtulog. Basahin at sundin lahat ng tagubilin sa etiketa.

    • Iangat ang iyong ulo gamit ang dagdag na unan kung matutulog. Makatutulong ito sa iyo na makapahinga kung hindi ka makatulog dahil sa pag-ubo.

  • Inumin ang anumang iniresetang gamot ayon mismo sa pagkakatagubilin. Tawagan ang iyong doktor kung sa palagay mo'y nagkakaproblema ka sa iyong gamot.

Para maiwasang ikalat ang trangkaso

  • Regular na maghugas ng kamay, at iwasang ihawak ang mga kamay mo sa iyong mukha.

  • Manatili sa bahay kaysa sa paaralan, trabaho, at iba pang pampublikong lugar hanggang sa bumuti na ang iyong pakiramdam at wala na ang lagnat nang hindi bababa sa 24 oras. Kinakailangang nawala ang lagnat nang kusa at hindi sa tulong ng gamot.

  • Hilingin sa mga taong kasama mo sa bahay na kausapin ang kanilang mga doktor tungkol sa pagpigil sa trangkaso. Maaaring bigyan sila ng gamot na antiviral para makaiwas na magkatrangkaso mula sa iyo.

  • Para mapigilan ang trangkaso sa hinaharap, magpabakuna laban sa trangkaso tuwing taglagas. Hikayatin ang mga taong kasama mo sa bahay na magpabakuna.

  • Takpan ang iyong bibig kapag umuubo o bumabahing.

Kailan ka dapat humingi ng tulong?

Tumawag sa 911 anumang oras na sa iyong palagay ay kailangan mo ng pang-emergency na pangangalaga. Halimbawa, tumawag kung:

  • Labis kang nahihirapang huminga.

Tawagan ngayon ang iyong doktor o humingi ng agarang pangangalagang medikal kung:

  • May panibago o lumalala kang problema sa paghinga.

  • Parang lumalala ang iyong pakiramdam.

  • Nararamdaman mong ikaw ay inaantok o nalilito.

  • May panibago o mas mataas kang lagnat.

  • May panibago kang pagbubutlig.

Manmanang mabuti ang mga pagbabago sa iyong kalusugan, at tiyaking makipag-ugnayan sa iyong doktor kung:

  • Gumaganda ang iyong pakiramdam, pagkatapos ay lumalala.

  • Hindi bumuti ang iyong pakiramdam makalipas ang 1 linggo.

Pangkasalukuyan mula noong: Hunyo 12, 2023

Bersyon ng Nilalaman: 14.0

Ang mga tagubilin sa pangangalaga ay iniangkop sa ilalim ng lisensya ng iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Kung mayroon kang mga tanong tungkol sa isang medikal na kundisyon o sa tagubiling ito, palaging magtanong sa iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Itinatanggi ng Healthwise, Incorporated ang anumang warranty o sagutin para sa iyong paggamit ng impormasyong ito.

© 2006-2025 Healthwise, Incorporated.
Powered by Krames by WebMD Ignite
Disclaimer