Acne: Mga Tagubilin sa Pangangalaga
Acne: Care Instructions
Mga Tagubilin sa Iyong Pangangalaga
Ang acne ay problema sa balat na lumalabas bilang blackheads, whiteheads at tigyawat. Kadalasang
nakakaapekto ito sa mukha, leeg at itaas na bahagi ng katawan. Lumalabas ang acne kapag nabarahan ng
oil at dead skin ang mga pore ng balat.
Karaniwang nagsisimula ang acne kapag teenager at kadalasang nawawala na ito kapag nasa hustong
gulang na ang isang tao. Nakokontrol ng banayad na paglilinis araw-araw ang karamihan sa hindi
malubhang acne. Kung hindi tumatalab ang paggamot sa bahay, maaaring magreseta ang iyong doktor ng
mga cream, antibiotic o mas matapang na gamot na tinatawag na isotretinoin. Kung minsan,
nakakatulong ang mga birth control pill sa mga babaeng tinitigyawat kapag malapit na silang datnan
bawat buwan.
Ang follow-up na pangangalaga ay isang mahalagang bahagi ng iyong paggamot at kaligtasan.
Siguraduhing ipaskedyul at puntahan ang lahat ng appointment, at tawagan ang iyong doktor kung
nagkakaproblema ka. Mainam ding alamin ang mga resulta ng iyong mga pagsusuri at magtabi ng listahan
ng mga iniinom mong gamot.
Paano mo mapangangalagaan ang iyong sarili sa bahay?
-
Hilamusan nang banayad ang iyong mukha 1 o 2 beses sa isang araw gamit ang maligamgam (hindi
mainit) na tubig at hindi matapang na sabon o cleanser. Palaging magbanlaw nang husto.
-
Gumamit ng lotion o gel na mabibili nang walang reseta na may benzoyl peroxide. Magsimula sa
paggamit ng kaunti na 2.5% ng benzoyl peroxide at mas tapangan ito kapag kailangan. Mainam ang
benzoyl peroxide para sa acne, ngunit maaaring kailanganin mo itong gamitin nang hanggang 2
buwan bago magsimulang gumaling ang iyong acne.
-
Lagyan ng cream, lotion o gel para sa acne ang lahat ng bahagi ng iyong katawan na tinutubuan ng
tigyawat, blackheads o whiteheads, hindi lang ang mga bahagi ng iyong katawaan kung saan mayroon
ka ng mga ito ngayon. Sundin nang mabuti ang mga tagubilin. Kung masyadong nanuyo at nagbabalat
o namula at nagsugat ang iyong balat, bawasan ang inilalagay mong gamot. Para sa mga
pinakamainam na resulta, ilagay ang mga gamot ayon sa tagubilin. Subukang huwag lumaktaw ng
dosis.
-
Huwag pisilin o tusukin ang mga tigyawat at blackheads. Maaari itong magdulot ng impeksyon at
pagpepeklat.
-
Gumamit ng walang oil na make up, sunscreen at iba pang mga produkto na hindi makakabara sa
iyong mga pore.
-
Linisin ang iyong buhok araw-araw at subukang iwasang madikit ito sa iyong mukha at mga braso.
Pag-isipan ang pagtatali o pagpapagupit nito nang maikli.
Kailan ka dapat humingi ng tulong?
Bantayan nang mabuti kung magkakaroon ng mga pagbabago sa iyong kalusugan, at siguraduhing tatawag ka
sa iyong doktor kung:
-
Sinubukan mo itong gamutin sa bahay sa loob ng 6 hanggang 8 linggo at hindi gumagaling o mas
lumalala pa ang iyong acne. Maaaring kailanganin ng iyong doktor na dagdagan o palitan ang iyong
paggamot.
-
Lumalaki ang iyong mga tigyawat at tumitigas o napupuno ng fluid.
-
Nagkaroon ng mga peklat pagkatapos gumaling ng mga tigyawat.
-
Nakakaramdam ka ng kalungkutan o kawalan ng pag-asa, panghihina o mayroon kang iba pang mga
senyales ng depresyon habang iniinom mo ang iniresetang gamot na isotretinoin.
-
Nagsisimula kang magkaroon ng iba pang mga sintomas, gaya ng pagtubo ng buhok sa mukha para sa
mga babae o pananakit ng buto at kalamnan.
Pangkasalukuyan mula noong: Nobyembre 16, 2023
Bersyon ng Nilalaman: 14.0
Ang mga tagubilin sa pangangalaga ay iniangkop sa ilalim ng lisensya ng
iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Kung mayroon kang mga tanong tungkol sa isang
medikal na kundisyon o sa tagubiling ito, palaging magtanong sa iyong propesyonal ng pangangalagang
pangkalusugan. Itinatanggi ng Healthwise, Incorporated ang anumang warranty o sagutin para sa iyong
paggamit ng impormasyong ito.