Pag-alam ng Tungkol sa COPD
Learning About COPD
Ano ang COPD?

Ang COPD ay isang sakit sa baga na nagpapahirap sa paghinga. Ang ibig sabihin ng COPD ay chronic
obstructive pulmonary disease. Ang sanhi nito ay pinsala sa mga baga sa paglipas ng maraming
panahon, kadalasan ay dahil sa paninigarilyo. Ang COPD ay isang kumbinasyon ng dalawang sakit:
chronic bronchitis at emphysema.
Kasama sa iba pang mga bagay na maaaring maging dahilan upang magkaroon ka ng COPD ang paglanghap ng
mga kemikal, alikabok o polusyon sa hangin sa loob ng mahabang panahon. Masama rin ang secondhand
smoke (usok na ibinubuga ng mga naninigarilyo).
Sa chronic bronchitis, ang mga daluyan ng hangin na nagdadala ng hangin sa mga baga (mga bronchial
tube) ay namamaga at nagkakaroon ng maraming mucus (plema). Dahil dito, maaaring sumikip o magbara
ang mga daluyan ng hangin na magpapahirap sa iyong paghinga. Sa emphysema, ang mga air sac sa iyong
mga baga ay sira at hindi na nababanat. Mas kaunting hangin ang nakakalabas at nakakapasok sa iyong
mga baga, kaya ang pakiramdam mo ay parang kinakapos ang iyong hininga.
Ano ang maaasahan mo kapag may COPD ka?
Lumalala ang COPD sa paglipas ng panahon. Hindi mo na mababawi ang pagkasira ng iyong mga baga.
Sa paglipas ng panahon, maaaring malaman mo na:
-
Madali kang hingalin kahit na mga simpleng bagay lang ang ginagawa mo gaya ng pagbibihis o
paghahanda ng pagkain.
-
Mahirap kumain o mag-ehersisyo.
-
Nababawasan ang iyong timbang at mas nanghihina ka.
Ngunit may mga bagay na magagawa mo nang hindi na madagdagan ang pinsala at bumuti ang iyong
pakiramdam.
Ano ang mga sintomas?
Ang mga pangunahing sintomas ay:
Kung minsan, maaaring umatake at lumala nang todo ang iyong mga sintomas. Tinatawag itong COPD
exacerbation (bigkasin bilang "egg-ZASS-er-BAY-shun"). Kapag nangyari ito, mabilis na lumalala at
hindi umiigi ang mga karaniwan mong sintomas. Maaaring mapanganib ito. Maaaring kailanganin mong
pumunta sa ospital.
Paano mo mapipigilan ang paglala ng COPD?
Huwag manigarilyo. Iyon ang pinakamagandang paraan upang mapigilan ang paglala ng COPD. Kung
naninigarilyo ka na, hindi kailanman magiging huli ang lahat upang tumigil ka. Kung kailangan mo ng
tulong sa pagtigil, makipag-usap sa iyong doktor tungkol sa mga programa at gamot para sa pagtigil
sa paninigarilyo. Mapapalaki nito ang tsansa na tuluyan mong maititigil ang iyong paninigarilyo.
May magagawa ka pang ibang mga bagay upang mapigilan ang paglala ng COPD:
-
Umiwas sa masamang hangin. Maaari ding lumala ang COPD dahil sa polusyon sa hangin, mga
kemikal na usok at alikabok.
-
Magpabakuna sa trangkaso taun-taon. Maaaring mapigilan ng bakuna ang paglala ng
trangkaso sa mas malubhang sakit gaya ng pulmonya. Sa tulong ng bakuna sa trangkaso, maaari ding
mabawasan ang tsansa ng biglang pag-atake ng mga sintomas ng COPD.
-
Magpabakuha laban sa pulmonya (pneumococcal shot). Isang bakuna lang ang kailangan ng
karamihan ng mga tao upang mapigilan ang pulmonya, ngunit kung minsan, inirerekomenda ng mga
doktor ang pagpapabakuna nang isa pang beses para sa ilang tao na unang nagpabakuna bago sila
naging 65 taong gulang. Makipag-usap sa iyong doktor tungkol sa posibilidad na kailanganin mo ng
pangalawang bakuna.
Paano ginagamot ang COPD?
Ginagamot ang COPD gamit ang mga gamot at oxygen. Maaari ka ring magsagawa ng mga hakbang sa bahay
upang manatili kang malusog at mapigilan mo ang paglala ng iyong COPD.
Paggamot gamit ang mga gamot at oxygen
-
Maaaring gumagamit ka ng mga gamot gaya ng:
-
Mga bronchodilator. Tumutulong ang mga ito na mapaluwag ang iyong mga daluyan ng
hangin at mapadali ang paghinga. Maaaring mabilisan lang (6 hanggang 9 na oras) o
pangmatagalan (24 na oras) ang bisa ng mga bronchodilator. Nilalanghap ang karamihan ng
mga bronchodilator, kaya mabilis magkabisa ang mga ito. Palaging dalhin ang iyong
quick-relief inhaler kung sakaling kailanganin mo ito habang wala ka sa bahay.
-
Mga corticosteroid. Binabawasan ng mga ito ang pamamaga ng mga daluyan ng hangin.
Maaaring pill na iniinom o nasa anyong nilalanghap ang mga ito. Dapat mong gamitin ang
mga gamot na ito araw-araw upang tumalab ang mga ito nang maayos.
-
Gamitin ang iyong mga gamot ayon mismo sa inireseta. Tawagan ang iyong doktor kung sa palagay mo
ay nagkakaproblema ka sa iyong gamot.
-
Ang paggamot gamit ang oxygen ay nagpaparami ng oxygen sa iyong dugo at tumutulong sa iyo upang
makahinga ka nang mas magaan. Gamitin ang flow rate na inirekomenda ng iyong doktor, at huwag
itong babaguhin nang hindi muna kumokonsulta sa iyong doktor.
Iba pang uri ng pangangalaga sa bahay
-
Kung inirerekomenda ito ng iyong doktor, dagdagan ang pag-eehersisyo. Magandang opsyon ang
paglalakad. Unti-unting dagdagan ang iyong paglalakad araw-araw. Subukan itong gawin nang hindi
bababa sa 30 minuto sa karamihan ng mga araw ng linggo.
-
Matuto ng mga paraan ng paghinga-gaya ng paghinga nang nakatikom ang bibig-upang matulungan kang
huwag masyadong kapusin ng hininga.
-
Kung hindi ka pa naisasali ng iyong doktor sa isang pulmonary rehabilitation program, ikonsulta
sa kanya kung angkop ba ang rehab para sa iyo. Kasama sa rehab ang mga programa sa
pag-eehersisyo, edukasyon tungkol sa iyong sakit at kung paano ito pangangasiwaan, tulong sa mga
pagbabago sa diyeta at iba pang bagay, at suportang emosyonal.
-
Regular na kumain ng masusustanyang pagkain. Gumamit ng mga bronchodilator may 1 oras bago ka
kumain nang mas madali kang makakain. Kumain ng ilang magagaan na pagkain sa halip na tatlong
mabibigat. Uminom pagkatapos kumain. Iwasan ang mga pagkaing mahirap nguyain.
Ang follow-up na pangangalaga ay isang mahalagang bahagi ng iyong paggamot at kaligtasan.
Siguraduhing ipaskedyul at puntahan ang lahat ng appointment, at tawagan ang iyong doktor kung
nagkakaproblema ka. Mainam ding alamin ang mga resulta ng iyong mga pagsusuri at magtabi ng listahan
ng mga iniinom mong gamot.
Pangkasalukuyan mula noong: Agosto 6, 2023
Bersyon ng Nilalaman: 14.0
Ang mga tagubilin sa pangangalaga ay iniangkop sa ilalim ng lisensya ng
iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Kung mayroon kang mga tanong tungkol sa isang
medikal na kundisyon o sa tagubiling ito, palaging magtanong sa iyong propesyonal ng pangangalagang
pangkalusugan. Itinatanggi ng Healthwise, Incorporated ang anumang warranty o sagutin para sa iyong
paggamit ng impormasyong ito.