Health Encyclopedia
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Type 1 na Diyabetes: Mga Tagubilin sa Pangangalaga

Type 1 Diabetes: Care Instructions

Mga Tagubilin sa Iyong Pangangalaga

../images/aba8641656b110a781285646a73f4a2f.jpg

Ang Type 1 na diyabetes ay panghabambuhay na sakit na nabubuo kapag huminto ang pancreas (lapay) sa paggawa ng insulin. Kinakailangan ng katawan ng insulin para mailipat ang asukal (glucose) mula sa dugo papunta sa mga selula ng katawan, kung saan maaari itong magamit bilang enerhiya o maiimbak para magamit sa ibang pagkakataon.

Kung walang insulin, hindi makapapasok ang asukal sa mga selula para magawa ang trabaho nito. Sa halip ay nananatili ito sa dugo. Maaaring maging sanhi ito ng mataas na lebel ng asukal sa dugo. Ang isang tao ay may diyabetes kapag ang asukal sa dugo ay napakataas. Sa kalaunan, maaaring mauwi ang diyabetes sa mga sakit sa puso, mga daluyan ng dugo, nerbiyo, bato, at mga mata.

Upang gamutin ang type 1 na diyabetes, kailangan mo ng insulin. Maaari mong bigyan ang iyong sarili ng insulin sa pamamagitan ng insulin pump, insulin pen, o heringgilya (karayom). Ang insulin, ehersisyo, at isang malusog na diyeta ay makatutulong mapigilan o maantala ang mga problemang mula sa diyabetes.

Sa pamamagitan ng edukasyon at suporta, ituturing mo ang diyabetes bilang isang bahagi ng iyong buhay-hindi ang iyong buong buhay. Humingi ng suporta kung kailangan mo ito mula sa iyong pamilya, mga kaibigan, at iyong doktor o iba pang dalubhasa sa diyabetes.

Ang follow-up na pangangalaga ay isang napakahalagang bahagi ng iyong pagpapagamot at kaligtasan. Siguraduhin na makapagpapa-appointment ka at makapupunta ka sa mga ito, at tatawagan ang iyong doktor kung nagkakaproblema ka. Mabuti ring ideya na malaman ang mga resulta ng iyong mga pagsusuri at magtabi ng listahan ng mga gamot na iniinom mo.

Paano mo mapangangalagaan ang iyong sarili sa bahay?

  • Inumin/iturok ang iyong insulin sa tamang oras at nasa tamang dosis. Nakatutulong ito na mapanatiling panatag ang iyong asukal sa dugo. Huwag ihihinto o papalitan ang iyong insulin nang hindi muna nakikipag-usap sa iyong doktor.

  • Tingnan at itala ang iyong asukal sa dugo nang kasing dalas ng inuutos. Ang mga tala na ito ay makatutulong sa iyong doktor na makita kung ano ang lagay mo at maitama ang iyong paggamot kung kinakailangan. Mahalagang subaybayan ang anumang sintomas na mayroon ka, tulad ng mababang asukal sa dugo, at anumang pagbabago sa iyong mga aktibidad, diyeta, o paggamit ng insulin.

  • Kumain nang mabuting diyeta na nagpapakalat ng carbohydrate sa buong araw. Inaapektuhan ng carbohydrate-ang pangunahing pinagkukunan ng enerhiya ng katawan-ang asukal sa dugo higit sa iba pang sustansya. Ang carbohydrate ay nasa mga prutas, gulay, gatas, at yogurt. Taglay din ito ng mga tinapay, cereal, gulay tulad ng mga patatas at mais, at matatamis na pagkain tulad ng kendi at cake.

  • Subukang mag-ehersisyo nang 30 minuto sa karamihan ng araw ng linggo, mas mabuti kung sa lahat ng araw. Magandang magsimula sa paglalakad. Mabuti ring gumawa ka ng iba pang aktibidad, tulad ng pagtakbo, paglangoy, pagbibisikleta, at paglalaro ng tennis o pangkoponang sport. Kung sasabihin ng iyong doktor na okey lang ito, gumawa ng mga ehersisyong pagpapalakas ng kalamnan nang hindi bababa sa 2 beses bawat linggo.

  • Kontrolin ang iyong cholesterol, at subukang panatiliin ang presyon ng iyong dugo sa 140/90 o mas mababa pa. Ang pag-eehersisyo at pagkain ng masusustansiya ay makatutulong sa mga mithiing ito. Kung may gamot ka para sa cholesterol o mataas na presyon ng dugo, inumin ito gaya ng itinuturo. Huwag ihihinto o magpapalit ng gamot nang hindi muna nakikipag-usap sa iyong doktor.

  • Kung natalakay mo na ito sa iyong doktor, uminom nang mababang dosis ng aspirin araw-araw upang makatulong mapigilan ang atake sa puso at stroke. Huwag sisimulang uminom ng aspirin maliban kung nalalaman ito ng iyong doktor.

  • Huwag manigarilyo. Kung kailangan mo ng tulong sa paghinto, makipag-usap sa iyong doktor tungkol sa mga programa sa paghinto sa paninigarilyo at mga gamot. Mapapataas ng mga ito ang mga posibilidad na makahinto ka nang tuluyan.

  • Siyasatin araw-araw ang iyong mga paa para sa mga paltos, biyak, at bahaging makirot. Ipatingin ang mga paa mo sa iyong doktor tuwing may checkup ka.

  • Magpa-checkup tuwing 3 hanggang 6 na buwan. Sasabihin sa iyo ng iyong doktor kung gaano kadalas kang pupunta. Kakailanganin mo ng mga regular na pagsusuri tulad ng:

    • Isang pagsususring hemoglobin A1c. Maaaring kailanganin mo ang pagsusuring ito nang mahigit sa minsan sa isang taon. Isa itong magandang panukatan kung gaano kabuti gumagana ang iyong paggagamot.

    • Isang pagsusuri sa cholesterol.

    • Isang pagsusuri sa ihi para sa protina. Nagsusuri ito para sa mga problema sa bato.

    • Isang kumpletong eksaminasyon ng paa.

    • Isang eksaminasyon ng mata, kahit na sa palagay mo'y hindi nagbago ang iyong paningin.

Kailan ka dapat humingi ng tulong?

Tumawag sa 911 sa anumang oras na sa palagay mo ay maaaring kailangan mo ng emerhensiyang pangangalaga. Bilang halimbawa, tumawag kung:

  • Hinimatay ka (nawalan ng malay-tao), o bigla kang naging napaka-antukin o nalilito ka. (Maaaring napakababa ng iyong asukal sa dugo.)

  • Mayroon kang mga sintomas ng mataas na asukal sa dugo, tulad ng:

    • Nanlalabo ang paningin.

    • Hirap manatiling gising o gisingin.

    • Mabilis, malalim na paghinga.

    • Hininga na amoy prutas.

    • Pananakit ng tiyan, hindi nakakadama ng gutom, at nagsusuka.

    • Nakadarama ng pagkalito.

Tawagan ang iyong doktor ngayon o humingi kaagad ng medikal na pangangalaga kung:

  • Nananatiling mas mataas ang asukal sa iyong dugo kaysa sa lebel na itinakda ng iyong doktor para sa iyo.

  • Mayroon kang mga sintomas ng mababang asukal sa dugo, tulad ng:

    • Pagpapawis.

    • Ninenerbiyos, nanginginig, at mahina.

    • Sobrang pagkagutom at bahagyang naduduwal.

    • Pagkahilo at sakit ng ulo.

    • Nanlalabo ang paningin.

    • Pagkalito.

Bantayang mabuti ang mga pagbabago sa iyong kalusugan, at siguraduhing kokontakin ang iyong doktor kung:

  • Madalas kang nagkakaproblema sa pagkontrol sa iyong asukal sa dugo.

  • Mayroon kang mga sintomas ng mga problema sa pangmatagalang diyabetes, tulad ng:

    • Bagong mga pagbabago sa paningin.

    • Bagong pananakit, pamamanhid, o pangingilabot sa iyong mga kamay o paa.

    • Mga problema sa balat.

Pangkasalukuyan mula noong: Oktubre 2, 2023

Bersyon ng Nilalaman: 14.0

Ang mga tagubilin sa pangangalaga ay iniangkop sa ilalim ng lisensya ng iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Kung mayroon kang mga tanong tungkol sa isang medikal na kundisyon o sa tagubiling ito, palaging magtanong sa iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Itinatanggi ng Healthwise, Incorporated ang anumang warranty o sagutin para sa iyong paggamit ng impormasyong ito.

© 2006-2025 Healthwise, Incorporated.
Powered by Krames by WebMD Ignite
Disclaimer