Health Encyclopedia
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Pananakit ng Likod: Mga Tagubilin sa Pangangalaga

Back Pain: Care Instructions

Mga Tagubilin para sa Iyong Pangangalaga

../images/0ac09f5a01721640ca0a9fc711a2cdcd.jpg

Maraming maaaring dahilan ang pananakit ng likod. Kadalasan itong kaugnay ng mga problema sa muscle (kalamnan) at litid ng likod. Maaari rin itong kaugnay ng mga problema sa mga nerbiyo, mga disc, o mga buto ng likod. Ang pagkilos, pagbubuhat, pagtayo, pag-upo, o pagtulog sa alanganing ayos ay maaaring makapilay (strain) sa likod. Minsan ay hindi mo mapapansin ang pinsala hanggang sa lumipas ang ilang oras. Ang arthritis ay isa pang karaniwang dahilan ng pananakit ng likod.

Bagama't napakasakit nito, kadalasang nawawala ito nang kusa sa loob ng ilang linggo. Karamihan ng mga tao ay gumagaling sa loob ng 12 linggo o wala pa. Ang mahusay na paggagamot sa tahanan at pag-iingat na hindi mai-stress ang iyong likod ay makatutulong na mapabuti ang pakiramdam mo nang mas maaga.

Ang follow-up na pangangalaga ay mahalagang bahagi ng iyong paggagamot at kaligtasan. Tiyakin na dumating sa lahat ng appointment, at tawagan ang iyong doktor kung nagkakaproblema ka. Magandang ideya rin na alamin ang mga resulta ng mga pagsusuri sa iyo at magtabi ng lista ng mga gamot na iyong iniinom.

Paano mong maaalagaan ang iyong sarili sa tahanan?

  • Umupo o humiga sa mga posisyon na pinakakomportable para mabawasan ang pananakit. Subukan ang isa sa mga posisyon na ito kapag nakahiga ka:

    • Humiga na nakatihaya na nakatupi ang iyong mga tuhod at suportado ng malalaking unan.

    • Humiga sa sahig habang ang mga binti mo ay nasa sofa o silya.

    • Humiga na nakatagilid habang nakatupi ang iyong mga tuhod at balakang at may unan sa pagitan ng iyong mga hita.

    • Humiga na nakadapa kung hindi nito napalalala ang pananakit.

  • Huwag umupo sa kama, at iwasan ang malalambot na sofa at mga nakapilipit na posisyon. Ang pagpahinga sa kama ay makatutulong na makabawas ng pananakit sa simula, ngunit nagpapabagal ito sa paggaling. Iwasan ang pagpahinga sa kama makalipas ang unang araw ng pananakit ng likod.

  • Magpalit ng posisyon tuwing‎ 30 minuto. Kung kailangan mong maupo nang matagal, magpahinga mula sa pagkakaupo. Tumayo at maglakad-lakad, o humiga sa komportableng posisyon.

  • Subukang gumamit ng heating pad na naka-set sa low o medium nang 15 hanggang 20 minuto bawat 2 o 3 oras. Subukang mag-shower nang mainit kapalit ng isang sesiyon sa heating pad.

  • Maaari mo rin subukan ang ice pack nang 10 hanggang 15 minuto bawat 2 hanggang 3 oras. Maglagay ng manipis na tela sa pagitan ng yelo at balat mo.

  • Uminom ng gamot para sa pananakit ayon mismo sa pagkakatagubilin.

    • Kung resetahan ka ng doktor ng gamot sa pananakit, inumin ito ayon sa pagkakareseta.

    • Kung hindi ka umiinom ng niresetang gamot sa pananakit, itanong sa iyong doktor kung maaari kang uminom ng gamot na nabibili nang walang reseta (over-the-counter).

  • Maglakad-lakad nang ilang ulit sa isang araw. Makapagsisimula ka ng 5 hanggang 10 minuto, 3 o 4 na ulit sa isang araw, at unti-unting patagalin ang paglalakad. Maglakad sa patag at iwasan ang mga paakyat at mga hagdan hanggang sa bumuti ang iyong likod.

  • Bumalik agad sa pagtatrabaho at iba pang gawain kung kaya mo na. Ang patuloy na pahinga at kawalan ng ginagawa ay karaniwang hindi nakabubuti sa iyong likod.

  • Para maiwasan ang pananakit ng likod sa hinaharap, maghersisyo para mainat at mapalakas ang iyong likod at tiyan. Matutunan ang paggamit ng wastong postura, ligtas na pagbubuhat, at wastong paggamit sa katawan.

Kailan ka dapat humingi ng tulong?

Tawagan ngayon ang iyong doktor o humingi ng agarang pangangalagang medikal kung:

  • May panibago o lumalalang pamamanhid sa iyong mga binti/hita.

  • May panibago o lumalalang panghihina sa iyong mga binti/hita. (Maaaring mahirap tumayo dahil dito.)

  • Nawawalan ka ng kontrol sa iyong pantog at bituka.

Manmanang mabuti ang mga pagbabago sa iyong kalusugan, at tiyaking makipag-ugnayan sa iyong doktor kung:

  • Lumalala ang pananakit na nadarama.

  • Hindi bumubuti ang iyong pakiramdam makalipas ang 2 linggo.

Pangkasalukuyan mula noong: Hulyo 17, 2023

Bersyon ng Nilalaman: 14.0

Ang mga tagubilin sa pangangalaga ay iniangkop sa ilalim ng lisensya ng iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Kung mayroon kang mga tanong tungkol sa isang medikal na kundisyon o sa tagubiling ito, palaging magtanong sa iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Itinatanggi ng Healthwise, Incorporated ang anumang warranty o sagutin para sa iyong paggamit ng impormasyong ito.

© 2006-2026 Healthwise, Incorporated.
Powered by Krames by WebMD Ignite
Disclaimer