HIV: Mga Tagubilin sa Pangangalaga

HIV: Care Instructions

Mga Tagubilin sa Iyong Pangangalaga

Ang Human Immunodeficiency virus, o HIV, ay isang virus na umaatake sa iyong immune system. Pinapahirap nito para sa iyong katawan ang paglaban sa impeksyon at sakit. Ang HIV ay ang virus na nagsasanhi ng AIDS (acquired immunodeficiency syndrome). Ngunit ang pagkakaroon ng HIV ay hindi katumbas ng pagkakaroon ng AIDS. Kapag ginamot ang HIV, maaaring mapigilan o mapabagal ang pag-develop ng HIV sa AIDS.

Kadalasang nagsasanhi kaagad ang HIV ng mga sintomas na parang trangkaso pagkatapos magkaroon nito ang isang tao. Nawawala ang mga maagang sintomas na ito pagkalipas ng ilang linggo. Pagkatapos noon, maaaring hindi ka magkaroon ng mga sintomas ng sakit sa loob ng maraming taon. Ngunit habang dumarami ang virus sa iyong katawan, lalabas ulit at hindi na mawawala ang mga sintomas. Pangkaraniwan ang pagod, pagbaba ng timbang, lagnat, pagkakaroon ng night sweats (matinding pagpapawis sa gabi), pagtatae at iba pang mga sintomas. Kung hindi magamot at maging AIDS ang HIV, lalala ang iyong mga sintomas at mababawasan nang mababawasan ang kakayahan ng iyong katawan na labanan ang mga impeksyong gaya ng pulmonya at tuberkulosis.

Gamot ang pangunahing lunas para sa HIV. Malamang ay kakailanganin mong uminom ng maraming gamot, na kung minsan ay tinatawag na "cocktail" na panlaban sa HIV. Sa pamamagitan ng paglaban sa virus, makakatulong ang mga gamot na ito na manatiling malusog ang iyong immune system at mapabagal o mapigilan ang pagkakaroon ng AIDS, at maaari itong makatulong na mapahaba ang iyong buhay. Tinatawag na mga antiretroviral ang mga gamot para sa HIV.

Ang follow-up na pangangalaga ay isang mahalagang bahagi ng iyong paggamot at kaligtasan. Siguraduhing ipaskedyul at puntahan ang lahat ng appointment, at tawagan ang iyong doktor kung nagkakaproblema ka. Mainam ding alamin ang mga resulta ng iyong mga pagsusuri at magtabi ng listahan ng mga iniinom mong gamot.

Paano mo mapangangalagaan ang iyong sarili sa bahay?

  • Kung may mga iniinom kang gamot para sa HIV, inumin ang mga ito gaya mismo ng itinuro, sa tamang dosis at sa tamang oras. Tawagan ang iyong doktor kung sa palagay mo ay nagkakaproblema ka sa iyong gamot.

  • Alamin kung paano bumili, maghanda at magtabi ng pagkain nang ligtas upang mabawasan ang panganib na magkaroon ka ng food poisoning (pagkalason dahil sa pagkain). Ang mga taong may HIV ay mas malamang na magkaroon ng mga sakit na nakukuha sa pagkain.

  • Tumigil sa paninigarilyo. Mas mataas ang panganib ng mga taong may HIV na atakihin sa puso at magkaroon ng cancer sa baga. Lalo pang pinapataas ng paninigarilyo ang panganib. Kung kailangan mo ng tulong sa pagtigil, makipag-usap sa iyong doktor tungkol sa mga programa at gamot para sa pagtigil sa paninigarilyo. Mapapalaki nito ang tsansa na tuluyan mong maititigil ang iyong paninigarilyo.

  • Huwag gumamit ng mga ipinagbabawal na gamot, at limitahan ang iyong pag-inom ng alak. Kapag gumagamit ka ng mga intravenous (IV, itinuturok) na ipinagbabawal na gamot, lumalaki ang tsansang lumala ang iyong HIV at nagiging mas mahirap sundin ang iyong plano sa paggamot. Mas mabilis ding lumalala ang HIV dahil sa mapang-abusong paggamit ng alak, marijuana, cocaine o iba pang mga ipinagbabawal na gamot.

  • Kumain nang masustansya. Ang magandang nutrisyon ay makakatulong sa iyong immune system at makakapagpabuti sa iyong pangkalahatang kalusugan. Maaaring maging mahirap ang pagpapanatili ng wastong timbang, dahil karaniwang kasama sa pagkakaroon ng HIV at itinuturing na mga side effect ng ilang gamot sa HIV ang pagbaba ng timbang at mga problema sa panunaw. Kung minsan, wala ka talagang ganang kumain. Makipag-usap sa iyong doktor o magpatingin sa dietitian kung kailangan mo ng tulong.

  • Regular na mag-ehersisyo. Nakakatanggal ito ng stress. Pinapanatili rin nitong malakas ang iyong puso, mga baga at mga kalamnan at nakakatulong ito sa iyong hindi masyadong makaramdam ng pagod. Maaari din itong makatulong sa iyong immune system na gumana nang mas maayos.

  • Dagdagan ang nalalaman tungkol sa HIV. Makakatulong ito sa iyong magkaroon ng mas aktibong gampanin sa pangangalagang natatanggap mo. Maaari itong makatulong sa iyo upang maramdaman mong mas may kontrol ka sa buhay mo.

  • Sumali sa isang support group. Ang mga support group ay maaaring maging mainam na lugar para sa pagbabahagi ng impormasyon, mga tip para sa paglutas ng mga problema at mga emosyon.

Upang maiwasang maipasa ang HIV sa iba

  • Uminom ng mga antiretroviral na gamot. Maaaring makatulong ang pagpapagamot para sa HIV sa pagpigil na maipasa ang HIV sa mga taong wala nito.

  • Sabihin sa iyong katalik o mga katalik na mayroon kang HIV. Huwag makipagtalik sa kahit sino maliban na lang kung nasabi mo na sa kanya na may HIV ka.

  • Kung magdedesisyon kayong magtalik ng iyong magkapareha, palaging gumamit ng latex condom.

  • Huwag makikigamit o magpapagamit ng mga panturok kung gumagamit ka ng mga IV na gamot.

  • Huwag makikigamit o magpapagamit ng mga sipilyo, pang-ahit, sex toy o iba pang mga bagay na maaaring may dugo, semen o vaginal fluid.

  • Huwag mag-donate ng dugo, plasma, semen, mga organ ng katawan o mga tissue ng katawan.

Kailan ka dapat humingi ng tulong?

Tumawag sa 911 anumang oras na sa tingin mo ay maaaring kailanganin mo ng pang-emergency na pangangalaga. Halimbawa, tumawag kung:

  • Nagka-seizure ka.

  • Hinimatay ka (nawalan ka ng malay).

  • Nakakaramdam ka na naman ng panghihina sa isang braso, binti, o sa isang bahagi ng iyong katawan.

  • Nakakaranas ka na naman ng mga pagbabago sa balanse o pakiramdam (pamamanhid, pamimintig o pananakit).

  • Bigla kang hindi makatayo o makalakad.

Tumawag sa iyong doktor ngayon o humingi ng agarang medikal na pangangalaga kung:

  • Mayroon kang lagnat na umabot nang 103°F o mas mataas.

  • Mayroon kang lagnat na 101°F o mas mataas sa loob ng 24 na oras.

  • Kinakapos ka ng hininga.

  • Nakakaranas ka ng hindi pangkaraniwang pagdurugo, gaya ng galing sa iyong ilong o mga gilagid, kung may dugo sa iyong ihi o dumi, o madali kang magkapasa.

  • May mga pagbabago sa iyong paningin.

Bantayan nang mabuti kung magkakaroon ng mga pagbabago sa iyong kalusugan, at siguraduhing tatawag ka sa iyong doktor kung:

  • Mayroon kang ubo na hindi mawala-wala, lalo na kung nilalagnat ka rin.

  • Napakabilis at hindi maipaliwanag ang pagbaba ng iyong timbang.

  • Nakakaranas ka ng night sweats (matinding pagpapawis sa gabi).

  • May mga kulani ka sa iyong leeg, kilikili o singit.

  • Pakiramdam mo ay pagod na pagod ka.

Pangkasalukuyan mula noong: Hunyo 12, 2023

Bersyon ng Nilalaman: 14.0

Ang mga tagubilin sa pangangalaga ay iniangkop sa ilalim ng lisensya ng iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Kung mayroon kang mga tanong tungkol sa isang medikal na kundisyon o sa tagubiling ito, palaging magtanong sa iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Itinatanggi ng Healthwise, Incorporated ang anumang warranty o sagutin para sa iyong paggamit ng impormasyong ito.

© 2006-2025 Healthwise, Incorporated.