Diyetang Mainam sa Puso: Mga Tagubilin sa Pangangalaga

Heart-Healthy Diet: Care Instructions

Mga Tagubilin sa Iyong Pangangalaga

../images/5c2c6b5a30e32e01aee6de85e11a188b.jpg

Ang diyetang mainam sa puso ay maraming kasamang gulay, prutas, mani, beans at whole grain, at kaunti lang ang asin. Nililimitahan nito ang mga pagkaing mataas sa saturated fat, gaya ng mga karne, keso at piniritong pagkain. Maaaring mahirap baguhin ang iyong diyeta, ngunit maaaring mabawasan ang panganib na atakihin ka at magkaroon ka ng sakit sa puso kahit na maliit lang ang mga pagbabagong gagawin mo.

Ang follow-up na pangangalaga ay isang mahalagang bahagi ng iyong paggamot at kaligtasan. Siguraduhing ipaskedyul at puntahan ang lahat ng appointment, at tawagan ang iyong doktor kung nagkakaproblema ka. Mainam ding alamin ang mga resulta ng iyong mga pagsusuri at magtabi ng listahan ng mga iniinom mong gamot.

Paano mo mapangangalagaan ang iyong sarili sa bahay?

Bantayan ang dami ng iyong kinakain

  • Gamitin ang mga label sa pagkain para malaman kung ano ang mga inirerekomendang dami para sa mga pagkain mo.

  • Kumonsumo lang ng dami ng mga calorie na kailangan mo para manatili sa malusog na timbang. Kung kailangan mong magbawas ng timbang, kumonsumo ng mga calorie na mas kaunti kaysa sa ginagamit ng katawan mo (sa pamamagitan ng ehersisyo at iba pang pisikal na aktibidad).

Kumain ng mas maraming prutas at gulay

  • Kumain ng iba't ibang prutas at gulay araw-araw. Higit na mainam para sa iyo ang mga dark green, deep orange, pula, o dilaw na prutas at gulay. Kasama sa mga halimbawa ang spinach, mga carrot, peach, at berry.

  • Palaging maghanda ng mga carrot, celery, at iba pang gulay para sa mga snack. Bumili ng prutas na napapanahon at itabi ito sa lugar kung saan makikita mo ito para mahikayat kang kainin ito.

  • Magluto ng mga pagkain na maraming gulay, gaya ng mga stir-fry at soup.

Limitahan ang saturated fat

  • Basahin ang mga label ng pagkain, at subukang iwasan ang mga saturated fat. Pinapataas ng mga ito ang panganib ng sakit sa puso.

  • Gumamit ng olive o canola oil kapag nagluluto ka.

  • I-bake, i-broil, ihawin, o i-steam ang mga pagkain sa halip na iprito ang mga ito.

  • Piliin ang mga lean meat sa halip na mga karne na mataas sa fat gaya ng mga hot dog at sausage. Alisin ang lahat ng makikitang fat kapag naghahanda ka ng pagkain.

  • Kumain ng isda, skinless poultry, at mga alternatibo sa karne gaya ng mga soy product sa halip na mga karne na mataas sa fat. Higit na mabuti para sa iyong puso ang mga soy product, gaya ng tofu.

  • Piliin ang gatas at mga produktong gawa sa gatas na kaunti ang fat o walang fat.

Kumain ng mga pagkaing mataas sa fiber

  • Kumain ng iba't ibang produktong gawa sa grain araw-araw. Magsama ng mga whole-grain na pagkain na maraming fiber at sustansya. Kasama sa mga halimbawa ng mga whole-grain na pagkain ang mga oat, whole wheat na tinapay, at brown rice.

  • Bumili ng mga whole-grain na tinapay at cereal, sa halip na puting tinapay o mga pastry.

Limitahan ang asin at sodium

  • Limitahan ang dami ng asin at sodium na kinakain mo para makatulong na pababain ang presyon ng iyong dugo.

  • Tikman ang pagkain bago mo lagyan ito ng asin. Magdagdag lang ng kaunting asin kapag sa palagay mo ay kailangan mo ito. Sa paglipas ng panahon, makakapag-adjust ang iyong panlasa sa mas kaunting asin.

  • Kumain ng mas kaunting snack item, mga fast food, at iba pang maraming asin at processed na pagkain. Tingnan ang mga label ng pagkain para sa dami ng sodium sa mga naka-package na pagkain.

  • Piliin ang mga bersyon ng de latang pagkain na mas kaunti ang sodium (gaya ng mga soup, gulay, at bean).

Limitahan ang asukal

  • Limitahan ang mga inumin at pagkain na may added sugar. Kasama rito ang candy, mga dessert, at soda pop.

Limitahan ang pag-inom ng alak

  • Limitahan ang pag-inom ng alak sa hindi hihigit sa 2 inumin sa isang araw para mga lalaki at 1 inumin sa isang araw para sa mga babae. Maaaring magdulot ng mga problema sa kalusugan ang labis na pag-inom ng alak.

Kailan ka dapat humingi ng tulong?

Bantayan nang mabuti kung magkakaroon ng mga pagbabago sa iyong kalusugan, at siguraduhing tatawag ka sa iyong doktor kung:

  • Gusto mong humingi ng tulong sa pagpaplano ng mga pagkaing mainam sa puso.

Pangkasalukuyan mula noong: Setyembre 20, 2023

Bersyon ng Nilalaman: 14.0

Ang mga tagubilin sa pangangalaga ay iniangkop sa ilalim ng lisensya ng iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Kung mayroon kang mga tanong tungkol sa isang medikal na kundisyon o sa tagubiling ito, palaging magtanong sa iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Itinatanggi ng Healthwise, Incorporated ang anumang warranty o sagutin para sa iyong paggamit ng impormasyong ito.

© 2006-2025 Healthwise, Incorporated.