Almoranas: Mga Tagubilin sa Pangangalaga

Hemorrhoids: Care Instructions

Mga Tagubilin sa Iyong Pangangalaga

../images/7b8039216a796a80ce6da6a950b07e2b.jpg

Ang mga almoranas ay mga lumaking vein sa anal canal. Ang mga pinakakaraniwang sintomas ay ang pagdurugo sa tuwing dudumi, pangangati, pamamaga at pananakit ng rectum. Maaaring hindi ka maging kumportable nang dahil sa mga ito kung minsan, ngunit bihira lang na maging malubhang problema ang almoranas.

Maaari mong gamutin ang karamihan sa almoranas sa pamamagitan lang ng maliliit na pagbabago sa iyong diyeta at gawi sa pagdumi. Kasama sa mga pagbabagong ito ang pagkain ng mas maraming fiber at hindi pagpipigil sa tuwing nadudumi. Ang karamihan sa almoranas ay hindi nangangailangan ng operasyon o iba pang paggamot maliban na lang kung napakalaki at napakasakit nito o sobra ang pagdurugo nito.

Ang follow-up na pangangalaga ay isang mahalagang bahagi ng iyong paggamot at kaligtasan. Siguraduhing ipaskedyul at puntahan ang lahat ng appointment, at tawagan ang iyong doktor kung nagkakaproblema ka. Mainam ding alamin ang mga resulta ng iyong mga pagsusuri at magtabi ng listahan ng mga iniinom mong gamot.

Paano mo mapangangalagaan ang iyong sarili sa bahay?

  • Umupo sa mainit na tubig (sitz bath) na ilang pulgada ang lalim nang 3 beses sa isang araw at pagkatapos dumumi. Nakakatulong ang maligamgam na tubig sa pananakit at pangangati.

  • Maglagay ng yelo sa iyong anus nang ilang beses sa isang araw sa loob ng 10 minuto sa tuwing gagawin mo ito. Maglagay ng manipis na tela sa pagitan ng yelo at ng balat mo. Pagkatapos ay maglagay ng maligamgam at mamasa-masang tuwalya sa bahaging ito sa loob ulit ng 10 hanggang 20 minuto.

  • Inumin ang mga gamot sa pananakit ayon mismo sa itinuro.

    • Kung binigyan ka ng doktor ng inireresetang gamot para sa pananakit, gamitin iyon gaya ng inireseta.

    • Kung hindi ka gumagamit ng inireresetang gamot para sa pananakit, itanong sa iyong doktor kung maaari kang gumamit ng gamot na mabibili nang walang reseta.

  • Panatilihin malinis ang bahagi ng anus, ngunit magdahan-dahan sa paglilinis nito. Gumamit ng tubig at sabong walang amoy, gaya ng Ivory, o gumamit ng baby wipes o mga medicated pad, gaya ng Tucks.

  • Magsuot ng cotton na panloob at maluluwag na damit upang mabawasan ang moisture sa bahagi ng anus.

  • Kumain ng mas maraming fiber. Magsama ng mga pagkaing gaya ng mga whole-grain na tinapay at cereal, hilaw na gulay, hilaw at pinatuyong prutas at beans.

  • Uminom ng maraming fluid, na sapat upang maging mapusyaw na dilaw o malinaw na parang tubig ang iyong ihi. Kung mayroon kang sakit sa kidney, puso o atay at kailangang limitahan ang pag-inom ng fluid, makipag-usap sa iyong doktor bago mo dagdagan ang dami ng fluid na iniinom mo.

  • Gumamit ng pampalambot ng dumi na may bran o psyllium. Maaari kang makatipid sa pamamagitan ng pagbili ng bran o psyllium (mabibili nang bultuhan sa maraming tindahan ng masusustansyang pagkain) at pagbubudbod nito sa mga pagkain o paghahalo nito sa fruit juice. O maaari kang gumamit ng produkto gaya ng Metamucil o Hydrocil.

  • Sanayin ang iyong sarili na magkaroon ng mga gawi sa pagdumi na mainam sa kalusugan.

    • Pumunta sa palikuran sa sandaling maramdaman mong kailangan mo nang dumumi.

    • Iwasang magpigil ng pagdumi. Mag-relax at hayaang lumabas nang kusa ang iyong dumi.

    • Huwag pigilan ang iyong paghinga habang dumudumi.

    • Huwag magbasa habang nakaupo sa inidoro. Umalis sa inidoro kapag tapos ka na.

  • Gamitin ang iyong mga gamot ayon mismo sa inireseta. Tawagan ang iyong doktor kung sa palagay mo ay nagkakaproblema ka sa iyong gamot.

Kailan ka dapat humingi ng tulong?

Tumawag sa 911 anumang oras na sa tingin mo ay maaaring kailanganin mo ng pang-emergency na pangangalaga. Halimbawa, tumawag kung:

  • Kulay maroon o may dugo ang iyong dumi.

Tumawag sa iyong doktor ngayon o humingi ng agarang medikal na pangangalaga kung:

  • Nakakaramdam ka ng mas malubhang pananakit.

  • Mas maraming dugo ang inilalabas mo kasabay ng dumi.

Bantayan nang mabuti kung magkakaroon ng mga pagbabago sa iyong kalusugan, at siguraduhing tatawag ka sa iyong doktor kung:

  • Hindi nawawala ang iyong mga sintomas pagkalipas ng 3 o 4 na araw.

Pangkasalukuyan mula noong: Oktubre 19, 2023

Bersyon ng Nilalaman: 14.0

Ang mga tagubilin sa pangangalaga ay iniangkop sa ilalim ng lisensya ng iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Kung mayroon kang mga tanong tungkol sa isang medikal na kundisyon o sa tagubiling ito, palaging magtanong sa iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Itinatanggi ng Healthwise, Incorporated ang anumang warranty o sagutin para sa iyong paggamit ng impormasyong ito.

© 2006-2025 Healthwise, Incorporated.