A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Mga Sugat: Mga Tagubilin sa Pangangalaga

Cuts: Care Instructions

Mga Tagubilin sa Iyong Pangangalaga

Maaaring magkaroon ng sugat saanman sa iyong katawan.

Ang mga tahi, staple, pandikit ng balat, o mga piraso ng tape na tinatawag na Steri-Strips ay ginagamit kung minsan upang panatilihing nakasara ang sugat at makatulong sa paggaling nito. Maaaring gumamit lang ng mga Steri-Strip o kasama ng mga tahi o staple.

Kung minsan ay naiiwang nakabuka ang mga sugat.

Kung malalim ang sugat at tagos sa balat, maaaring isinara ng doktor ang sugat sa dalawang layer. Pinagdudugtong ng mas malalim na layer ng mga tahi ang malalim na bahagi ng sugat. Malulusaw ang mga tahing ito at hindi na kailangang tanggalin. Ang pansara sa pang-ibabaw na layer, na maaaring mga tahi, staple, Steri-Strip, o pandikit, ang makikita mo sa sugat.

Kadalasang natatakpan ng benda ang isang sugat.

Sinuri ka nang mabuti ng doktor, ngunit maaaring magkaroon ng mga problema pagkatapos. Kung may mapansin kang anumang problema o mga bagong sintomas, magpagamot kaagad.

Ang follow-up na pangangalaga ay isang pinakamahalagang bahagi ng iyong pagpapagamot at kaligtasan. Siguraduhin na makapagpa-pa-appointment at makakapunta sa lahat ng mga ito, at tatawagan ang iyong doktor kung nagkakaproblema ka. Mabuti ring ideya na malaman ang mga resulta ng iyong mga pagsusuri at magtabi ng listahan ng mga gamot na iniinom mo.

Paano mo mapangangalagaan ang sarili mo sa bahay?

Kung nakabuka o sarado ang sugat

  • Ipatong ang masakit na bahagi sa isang unan anumang oras na uupo o hihiga ka sa loob ng susunod na 3 araw. Subukang panatilhin ito na mas mataas kaysa sa iyong puso. Makatutulong ito sa pagpapaimpis ng pamamaga.

  • Panatilhing tuyo ang sugat sa unang 24 oras hanggang sa 48 oras. Pagkatapos nito, maaari ka nang maligo kapag sinasabi ng iyong doktor na okay ito. Tapikin ang sugat upang matuyo.

  • Huwag ibabad ang sugat tulad ng sa bathtub. Sasabihin sa iyo ng iyong doktor kung kailan ligtas na basain ang sugat.

  • Pagkatapos ng unang 24 hanggang 48 oras, linisin ang sugat gamit ang sabon at tubig nang 2 beses kada araw maliban kung bibigyan ka ng doktor ng ibang mga tagubilin.

    • Huwag gumamit ng agua oxinada (hydrogen peroxide) o alkohol, na makapagpapabagal sa paggaling.

    • Maaari mong takpan ang galos sa pamamagitan ng manipis na patong ng petroleum jelly at isang hindi dumidikit na benda.

    • Kung maglalagay ng benda sa sugat ang doktor, maglagay ng panibagong benda pagkatapos linisin ang sugat o kung nabasa o nadumihan ang benda.

  • Iwasan ang anumang aktibidad na makapagpapabuka muli sa iyong sugat.

  • Maging ligtas sa mga gamot. Basahin at sundin ang lahat ng tagubilin na nasa etiketa.

    • Kung binigyan ka ng doktor ng resetang gamot para sa pananakit, gamitin iyon tulad ng inireseta.

    • Kung hindi ka gumagamit ng resetang gamot para sa pananakit, tanungin ang iyong doktor kung maaari kang gumamit ng gamot na nabibili nang walang reseta.

Kung isinara ang sugat gamit ang mga tahi, staple o Steri-Strip

  • Sundin ang mga tagubilin sa itaas para sa mga nakabuka o nakasarang sugat.

  • Huwag tanggalin nang mag-isa ang mga tahi o staple. Sasabihin sa iyo ng iyong doktor kung kailan babalik upang tanggalin ang mga tahi o staple.

  • Hayaang nakadikit ang mga Steri-Strip hanggang sa matanggal ang mga ito.

Kung isinara ang sugat gamit ang pandikit ng balat

  • Sundin ang mga tagubilin sa itaas para sa mga nakabuka o nakasarang sugat.

  • Hayaan ang pandikit ng balat sa iyong balat hanggang sa kusa itong matanggal. Maaaring tumagal ng 5 hanggang 10 araw.

  • Huwag kamutin, kuskusin, o kalikutin ang pandikit.

  • Huwag direktang ilagay ang madikit na bahagi ng benda sa pandikit.

  • Huwag maglagay ng anumang uri ng ointment, cream, o lotion sa bahaging iyon. Maaaring maging sanhi ito na matanggal agad ang pandikit. Huwag gumamit ng agua oxinada (hydrogen peroxide) o alkohol, na makapagpapabagal sa paggaling.

Kailan ka dapat humingi ng tulong?

Tumawag sa iyong doktor ngayon o humingi ng agarang medikal na pangangalaga kung:

  • May bago kang pananakit, o lumalala ang iyong pananakit.

  • Malamig o maputla o nagbabago ang kulay ng balat malapit sa sugat.

  • Nakakaramdam ka ng pamimitig, panghihina, o pamamanhid malapit sa sugat.

  • Nagsisimulang magdugo ang sugat, at tumatagos ang dugo sa benda. Normal ang pagkatas ng kaunting dugo.

  • Nahihirapan kang igalaw ang bahagi malapit sa sugat.

  • May mga sintomas ka ng impeksiyon, tulad ng:

    • Lumalalang pananakit, pamamaga, paghapdi o pamumula sa paligid ng sugat.

    • Mapupulang bahid na nagmumula sa sugat.

    • Nana na kumakatas mula sa sugat.

    • Lagnat.

Bantayang mabuti ang mga pagbabago sa iyong kalusugan, at siguraduhing makipag-ugnayan sa iyong doktor kung:

  • Muling bumuka ang sugat.

  • Hindi ka gumagaling gaya nang inaasahan.

Pangkasalukuyan mula noong: Hulyo 10, 2023

Bersyon ng Nilalaman: 14.0

Ang mga tagubilin sa pangangalaga ay iniangkop sa ilalim ng lisensya ng iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Kung mayroon kang mga tanong tungkol sa isang medikal na kundisyon o sa tagubiling ito, palaging magtanong sa iyong propesyonal ng pangangalagang pangkalusugan. Itinatanggi ng Healthwise, Incorporated ang anumang warranty o sagutin para sa iyong paggamit ng impormasyong ito.

© 2006-2026 Healthwise, Incorporated.
Powered by Krames by WebMD Ignite
Disclaimer